Nag-hain ang kampo ni Sen. Grace Poe ng huling apela sa Supreme Court para ibasura ang mga petisyong i-diskwalipika siya sa presidential race.
Ito’y sa harap ng inaasahang nalalapit nang paglalabas ng desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa pag-diskwalipika ng Commission on Elections (COMELEC) sa kandidatura ni Poe dahil sa kaniyang residency at citizenship issues.
Sa isang 349-pahinang memorandum, iginiit ng legal team ni Poe na nakumpleto niya ang 10-year residency requirement para kumandidato sa pagka-pangulo sa May 9 elections.
Pinabulaanan ng kampo ni Poe sa mga dokumentong ito na nakagawa ng material misrepresentation nang ilagay niya sa kaniyang certificate of candidacacy na siya ay isang natural-born Filipino at na “10 years and 11 months” na siyang residente ng Pilipinas pagdating ng halalan.
Sa kanila ring position paper, iginiit ng mga abogado ni Poe na pinagplanuhan at minanipula ng COMELEC ang hindi patas nitong desisyon sa kaso ng senadora.
Pinagkaitan rin umano ng COMELEC si Poe ng kaukulang proseso nang ipinasa-walang bahala nito ang mga ebidensyang nagpapatunay sa citizenship ni Poe.
Samantala, kontra pa rin dito ang mga kalaban ni Poe, lalo na ang isa sa mga petitioners laban sa kaniya na si Prof. Antonio Contreras.
Ayon sa 60-page memorandum ni Contreras, ito ang tamang panahon hindi lang para panigan ang sinasabi ng batas, kundi manindigan sa isang foundling na minsan nang iniwan ang bansa na makakabalik lamang siya sa pagiging Pilipino ayon sa dinidikta ng Saligang Batas.
Mas pagtitibayin aniya nito ang soberanya ng Pilipinas dahil iginigiit natin na mayroon tayong batas para sa mga dayuhan na bumibisita sa bansa, kahit pa dati itong mamamayan ng republika.
Naniniwala naman si dean Amado Valdez na ginawa lang ng COMELEC ang kanilang trabaho nang patas at makatarungan.
Habang si Atty. Estrella Elamparo naman ay nanindigan sa kahalagahan na makumpirma ang pagiging natural-born citizen ni Poe, at si dating Sen. Francisco Tatad naman ay nag-sabing sinumang tatakbo sa pagka-pangulo ay dapat kwalipikado alinsunod sa Konstitusyon.