Kapos sa epidemiological surveillance ang gobyerno at ito ay malinaw na indikasyon ng kapalpakan sa pagtugon sa kasalukuyang pandemiya.
Ito ang sinabi ni Sen. Joel Villanueva at aniya ang kumpiyansa ng mga negosyante na sisigla muli ang ekonomiya ng bansa ay nakatali sa mga pamamaraan hinaharap ng awtoridad ang COVID 19 crisis.
Ayon sa namumuno sa Senate Committee on Labor hindi isusugal ng mga negosyante ang kanilang pagbabalik operasyon kung may posibilidad na muling magkaroon ng lockdown.
Aniya malalagay na sa alanganin ang ekonomiya kapag nangyari ito at ang muling tatamaan ay ang mga manggagawa.
Paliwanag ng senador sa epidemiologiocal monitoring and surveillance mas nagiging malinaw ang sitwasyon kayat mas nagiging tama ang pagtugon ng awtoridad.
Sa ngayon aniya passive surveillance ang ginagawa sa bansa at ang sistemang ito ayon sa World Bank ay ang pagkuha ng datos mula sa mga ospital, klinika at public health units.
Dapat aniya ang gawin ay active surveillance kung saan ang mga impormasyon ay nagmumula mismo sa mga komunidad kayat magkakaroon ng tama at angkop na pagtugon sa sitwasyon.
Puna pa ni Villlanueva ang pagsirit ng COVID 19 cases nitong mga huling araw ay indikasyon na kailangan nang baguhin ang kasalukuyang istratehiya.