Madonna, nag-mini concert kasama ang mga batang ulila ng Maynila

By Den Macaranas February 23, 2016 - 08:19 PM

Madonna2
twitter pic

Binisita ng Queen of Pop ang isang bahay-ampunan sa Maynila na ikinabigla ng mga tao sa lugar.

Sinabi ni Catherine Scerri, deputy director ng Bahay Tuluyan Foundation na kahapon lamang nakipag-ugnayan sa kanila ang mga organizers ng 2-day Manila concert ni Madonna na gaganapin sa Mall of Asia Arena.

Noong una ay inakala umano nila na puro mga dancers lamang ni Madonna ang darating pero lahat sila ay nasorpresa nang mismong ang Queen of Pop ang bumulaga sa kanila kaninang alas-dos ng hapon.

Nakiusap umano ang mga organizers na gawing simple at pribado ang nasabing pagdalaw sa kanila ni Madonna na sinasabing nagmula pa sa kanyang byahe sa Amanpulo sa Palawan.

Tumagal din ng isang oras sa lugar ang tinaguriang top touring female artist of all-time kung saan siya’y nakipag-laro, nakipag-sayaw at kumanta kasama ang mga batang ulila at biktima ng child trafficking na kinukupkop sa Bahay Tuluyan Foundation.

Nangako rin umano ng suporta para sa mga bata ang Queen of Pop bago niya nilisan ang lugar para sa paghahanda sa kanyang dalawang araw na concert.

Ang kanyang Manila tour ay kasabay ng launching ng  kanyang 13th Studio “Rebel Heart” album.

Ang ticket sa concert ni Madonna ay nagkakahalaga ng P57,700 para sa VIP at ang pinakamura naman ay P3,500 para sa general admission.

Sa kanyang twitter account ay naglagay ng larawan si Madonna kasama ang ilan sa naturang mga bata.

TAGS: Bahay Tuluyan Foundation, Madonna, manila, MOA, Rebel Tour, Bahay Tuluyan Foundation, Madonna, manila, MOA, Rebel Tour

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.