Sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability, lumalabas na nasa 10 porsyento pa lamang ang nakatanggap ng ayuda ng gobyerno.
Ito ay mula sa kabuuung 12 milyong target beneficiaries.
Ayon kay DSWD Usec. Danilo Pamonag, 1.337 million beneficiaries na may hawak na Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) cash card, at 45,000 waitlisted families pa lang ang nakatanggap ng tulong pinansyal.
Hindi naman nagustuhan ni Deputy Speaker Lray Villafuerte ang ulat ng DSWD dahil ayon dito kaya lamang nabigyan ang karamihan dahil sa mga miyembro ito ng 4Ps at matagal na nilang alam dahil sa record ng ahensya.
Sinabi naman ni DSWD Sec. Rolando Bautista na may ilang local government units pa rin kasi na hanggang sa ngayon ay hindi pa nakakapagsumite ng kanilang liquidation reports.
Inamin din nito na nagpapatagal sa proseso ang ginagawa nilang deduplication sa listahan ng mga benepisyaryo ng second tranche ng SAP.
Base sa pagsusuri na kanilang ginawa, humigit kumulang 48,000 benepisyaryo mula sa first tranche ng SAP ang natukoy nilang nakatanggap ng dobleng ayudang pinansyal mula sa pamahalaan.
Ang mga ito ay pawang nakatanggap aniya ng emergency cash subsidy mula sa DSWD at sa iba pang mga ahensya ng pamahalaan tulad ng DOLE, DTI at SSS.
Kasabay nang pag-iingat sa ginagawang deduplication giit ni Villafuerte, hindi dapat paghintayin pa ng DSWD ang mga SAP beneficiaries ng mahabang panahon.