Pagbibigay ng dagdag na pondo para sa mas mabilis na paglaban sa COVID-19 tiniyak ng Kamara
Siniguro ni House Ways and Means Committee Chairman at Albay Representative Joey Salceda na handa ang Kamara na magbigay ng karagdagang pondo upang mapabilis ang testing, tracing, at paghahanda sa surge capacity ng mga pagamutan.
Ayon kay Salceda, patuloy nilang pinag-aaralan ang pondong gugugulin para sa testing at tracing data gayundin ang monitoring ng pagtaas sa bilang ng COVID-19 cases.
Nakahanda rin aniya ang Mababang Kapulungan na tumanggap ng mga proposals mula sa Ehekutibo para maitaas ang daily testing rates ng bansa na nasa 10% positive rate.
Inirekomenda din ng mambabatas kay Testing, Tracing, and Treatment Chief, Secretary Vince Dizon na magbukas agad ng mass testing sites sa NCR, CALABARZON, Central Luzon, Metro Cebu, at Metro Davao.
Kasama din sa sinusuri ng mambabatas ang pagpapalawig sa capacity ng mga treatment centers para sa COVID-19.
Paliwanag nito, ang paghahanda sa mga ospital at treatment centers sakaling tumaas pa ang COVID-19 cases ay susi din para sa pagpapanatili ng kumpyansa mula sa mga consumers at mga negosyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.