Sen. Hontiveros sa ERC: Pag-aralan ang pagsasampa ng kaso vs Meralco

Hinimok ni Senator Risa Hontiveros ang Energy Regulatory Commission (ERC) na pag-aralan at ikunsidera ang pagsasampa ng kaso laban sa Meralco dahil sa mga reklamo ng mga konsyumer.

Sa pagdinig ng Senate Energy Committee na pinamumunuan ni Sen. Sherwin Gatchalian, sinabi ni Hontiveros na ang kanyang posisyon ay base sa ‘anti consumer billing process’ ng Meralco na kanilang ikinasa sa kalagitnaan ng kasalukuyang COVID 19 crisis.

Diin ng senadora dapat imbestigahan ng ERC at iba pang kinauukulang ahensiya ng gobyerno ang mataas na singil ng Meralco sa mga konsyumer na posibleng may naging paglabag sa regulasyon ng gobyerno.

Aniya sakaling may paglabag dapat ay agad kasuhan ang Meralco at pagmultahin dahil sa anti-consumer practices.

Makatuwiran lang aniya na masingil ng tama sa kanilang konsumo ang mga konsyumer dahil marami sa kanila ang maaring nawalan ng trabaho at kabuhayan at dagdag pasanin pa ang hindi tamang singil sa kuryente.

Base sa reklamo ng consumer groups maaring nilabag na ng Meralco ang abiso ng Department of Energy na may petsang April 20, 2020 dahil sa kabiguan ng power distributor na abisuhan ang kanilang mga konsyumer ukol sa four-month amortization option para pagaanin ang pagbabayad ng naipon bayarin sa kuryente.

Binanggit din ni Hontiveros na nakadagdag pa sa himutok ng mga konsyumer ang hindi matawagan na consumer hotline ng Meralco gayundin ang mahabang pila sa mga opisina ng kompaniya.

 

 

Read more...