Ano ba talaga, PNP: ‘misencounter,’ ‘shooting,’ ‘overkill’? – “WAG KANG PIKON!” ni Jake J. Maderazo

By Jake J. Maderazo July 05, 2020 - 11:39 PM

Mismong si President Duterte ang nanawagan sa AFP at PNP na parehong maging mahinahon at intindihin ang ginagawang imbestigasyon ng NBI sa malagim na insidente noong June 29 kung saan apat na nakasibilyang army intelligence operatives ang napatay ng siyam na pulis.

Nasita sa “checkpoint” ang mga sundalo, pinadaan at pinahinto mga 50 meters malapit sa Jolo police station. Nang bumaba at nakipag-usap ang hindi armadong si Army Major Indammog, bigla siyang binaril ng dalawang pulis at pagkatapos ay napatay lahat ng sundalo.

Nakausap ko si Col. Ramon Zagala, Army spokesman, sa Inquirer TV 990 at halatang nagpupuyos sila sa galit sa pangyayari. Unang-una, ang kanilang mga sundalo ay agad binansagang “armed men” ng mga pulis. Pagkatapos, idineklara ni PNP chief Gen. Archie Gamboa at spokesperson Gen. Bernard Banac na “misencounter” daw ang nangyari at hindi nakilala ng siyam na mga pulis ang mga biktima. Dinisarmahan sila at inilagay sa “custody” ng Sulu police. Ayon pa kay Gamboa, ito’y “isolated case” at patuloy ang magandang relasyon ng PNP at AFP.

Galit na galit si Army Chief Lt Gen. Gilbert Gapay at nagsabing hindi ito “misencounter” kundi “murder” at “rubout.”

Pero, nitong huli, nagbago ng statement ang PNP at isa na raw itong “shooting incident” at tutulong ang PNP sa imbestigasyon ng NBI. Sinibak agad ang siyam na kasangkot na pulis at kasama rito ang hepe ng Jolo PNP na si Lt.Col. Walter Anayo. Bahala na raw ang NBI upang alamin kung may nangyaring “overkill”.

Ayon sa otopsiya ng NBI, isa sa namatay na sundalo ay may walong tama ng bala at ang dalawa naman ay tig-tatlo. Ipinahayag ng NBI na meron silang dalawa o tatlong testigo sa insidente. Nangako si Deputy director Ferdinand Lavin na magiging parehas at mabusisi ang kanilang imbestigasyon.

Kung susuriin, masakit sa panig ng Army ang umano’y “fabricated police report” na nagsabing unang nagpaputok ang mga sundalo. Lalo silang napikon nang tawaging “misencounter” ng mismong PNP chief at spokesman ang insidente na taliwas sa pananaw ng Army. Dahil ditto, hindi maalis ang kaisipang may tangkang i-downplay o i-cover-up ng PNP ang naturang krimen at galing mismo sa pinakamataas na liderato nito. Kaya naman, nagpalit-palit ang kanilang mga statement ng PNP, mula sa “armadong grupo”, “misencounter” “shooting incident” at ngayo’y “overkill”.

At ito ang lalong nagpa-init sa damdamin ng mga naagrabayadong mga sundalo. May mga ilang sektor na naninniwalang maaring idemanda ng ‘obstruction of justice” na isang kasong kriminal ang mga mataas na opisyal ng PNP dahil sa insidenteng ito. Nagkaroon umano ng pagtatangka na ilihis ang publiko sa ibat ibang anggulo upang i-cover-up o pagtakpan ang mga tunay na pangyayari.

At ang masakit, mismong si PNP Chief Gen. Archie Gamboa at ang kanyang spokesman Gen. Bernardo Banac ang nagdedeklara ng ibat ibang bersyon. Sila pa naman ang naturingang tagapagpatupad ng batas, sila pa ang naunang tila nagtatakip kung bakit napatay ang apat na sundalo ng Philippine Army sa Jolo, Sulu.

TAGS: AFP, column, Inquirer column, PNP, Radyo Inquirer column, Sulu shootout, AFP, column, Inquirer column, PNP, Radyo Inquirer column, Sulu shootout

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.