OFF CAM – Ang hindi dapat kalimutan tungkol sa EDSA People Power
Tatlumpung taon mula nang mangyari ang makasaysayang EDSA People Power Revolution, maraming bagay na noon ay akala mo hindi mangyayari pero nangyari.
Sa mga nangangambang makabalik sa kapangyarihan ang pamilya Marcos, matagal nang nangyari ito. Nakabalik na sa poder ng kapangyarihan sa lalawigan ng Ilocos Norte ang mga Marcos, si Imee, si Bongbong at ang nanay nilang si dating First Lady Imelda Romualdez Marcos. Senador nga si Bongbong di ba na hindi maitatangging isa sa mga nakakuha ng pinakamaraming boto kaya siya naka-puwesto sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Ang kulang na lang, ang makabalik sa pinaka-sentro ng kapangyarihan, walang iba kundi sa Palasyo ng Malakanyang. At kung mananalong pangalawang pangulo si Bongbong ngayong eleksiyon, ilang hinga na lang, ilang hakbang na lang, puwede ngang Malakanyang na ang tuloy ni Bongbong at ng buong angkan ng Marcos sampu ng mga kaalyadong pamilya at mgaka-alyansa nito.
Totoong malaki ang ipapaliwanag ng Pilipinas sa mundo kung paanong ang angkan na itinakwil noong 1986 sa pamamagitan ng inisyatiba ng taumbayan ay makakabalik sa puwesto at sa sentro ng kapangyarihan. Tama sa puntong iyon si Senador Serge Osmeña Jr.
Ngunit may mga sutil na tanong. Pabayaan ninyong sabihin ko.
Paano kung ito ang lumabas na resulta sa isang malaya at malinis na halalan? Paano kung ang mabilang na boto ay pabor nga sa isang Bongbong Marcos at paano kung siya nga ang manalong pangalawang pangulo ng Republika ng Pilipinas, tatlumpung taon mula nang maganap ang people power?
Paano kung ito ang resulta ng demokrasya na siyang pinaka-saysay ng people power revolution? Paano kung ang mga Marcos na itinakwil noon ay makinabang sa naiballik na demokrasya dahil sa bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas na nagbigay daan sa pagpapatalsik din sa kanila sa kapangyarihan?
Ano ang sisisihin kung ito ang lumabas na resulta? Sino ang sisisihin? Ano ang tutukuying dahilan ng tagumpay sakaling manalo nga bilang vice president si Bongbong?
Ang EDSA People Power noong 1986 sa ganang akin, bagaman nagpatalsik ng angkan ng mga Marcos at ng lahat ng kinakatawan nilang kalabisan at pananamantala sa kapangyarihan ay mas dapat na alalahanin sa kung ano ang bagay na labis na kinasabikan noon ng mamamayang Pilipino na mapasakamay nilang muli. Yan ay walang iba kundi ang demokrasya na tinatamasa at umiiral ngayon.
If there’s one shining gain of EDSA People Power Revolution of 1986 that cannot be and must not be erased from memory and acknowledgement is that fact that democracy as we know and practice now is restored, strengthened and protected.
Maaaring isang maituturong na panunundyo ng tadhana kung sa espasyong iyan ng demokrasya ay makabalik nga sa puyo ng kapangyarihan ang pamilya Marcos sa pamamagitan ni Bongbong. Pero kung manalo nga at sa pamamagitan ito ng malayang paraan na kasama sa inani ng pagbabalik ng demokrasya sa bansa, paano mo ito pasusubaliang tagumpay din ng EDSA?
Mapanukso ang mga pahina ng kasaysayan at sa maraming pagkakataon, ang pagbabago nito ay hindi lamang naitatakda ng mga iilang personalidad kundi ng maramihang pag-kilos ng mamamayan.
Makakabalik lang sa tugatog ng kapangyarihan ang mga Marcos kung ito ang magiging pasya ng mamamayang boboto sa darating na halalan sa ika-siyam ng Mayo ng makasaysayang taong ito.
Sa madaling salita, nasa mamamayan din ang pasya kung sino-sino ang nararapat na sila ay pamunuan sa ilalim ng halalan na isa sa pundasyon ng demokrasyang umiiral.
Katawa-tawa ngang maituturing kung ang bagay na itinakwil, isinuka ay magbabalik sa kanyang kaningningan. Ngunit paano nga kung ang katawa-tawang bagay na ito ay bunga ng malayang halalan na naibalik,pinatagtibay at pinatatag ng pagkakaisa ng mamamayan sa EDSA may tatlumpung taon na ang nakalilipas?
Sino ang ating tatawanan? Ano ang ating tatawanan? Ang atin bang mga sarili? Ang halalan ba na nagbigay sa kanilang laya na muling humarap sa taumbayan?
Tunay na makasaysayan ang taong ito ng halalan. Dahil sa taong ito, malalaman kung anong mga bagay na akala mo’y hindi na mangyayari pa may tatlumpung taon na ang nakalipas ay mangyayari ngang muli. (wakas)
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.