‘Meralco Bill Shock’ iimbestigahan sa Senado – Sen. Gatchalian
Pinuna ni Senator Sherwin Gatchalian ang kabiguan ng Meralco na maresolba ang mga reklamo ng mga konsyumer ukol sa mataas na singil sa kuryente sa kabila ng pagpapatupad ng community quarantine.
Nagpatawag na ng pagdinig ang senador para mabusisi ng pinamumunuan niyang Senate Committee on Energy ang isyu ng ‘bill shock.’
Aniya higit 200 reklamo na ng bill shock ang natanggap ng kanyang komite kayat sumulat na siya sa Meralco para magbigay ng status report alinsunod sa pangako sa Joint Congressional Energy Commission (JCEC).
Una nang nangako ang Meralco sa JCEC noong Mayo na ipapaliwanag sa mga konsyumer ang kanilang komputasyon at ayon kay Gatchalian hindi ganap na natupad ng power distributor ang kanilang pangako.
“Noong huling pagdinig namin, talagang mahigpit na sinabi namin na importante na maintidihan ng tao kung ano yung binabayaran nila, basic yan. Gustong magbayad ng tao pero gusto nilang maintindihan kung paano binabasa at kino-compute ang aktuwal na gamit nila ng kuryente. Pero napakahirap intindihin ng eksplanasyon ng Meralco,” punto ng senador.
Diin nito ang nais lang ng mga konsyumer ay maayos at simpleng pagpapaliwanag sa sinisingil sa kanila.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.