Mga abogado ng ABS-CBN nagsinungaling ayon kay Bello
Mariing pinabulaanan ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang pahayag ng mga abogado ng ABS-CBN sa pagdinig sa Mababang Kapulungan kaugnay sa pag-apruba ng DOLE sa seasonal work arrangement sa ilang trabahador sa TV network.
Inakusahan ni Bello ang mga abogado na ‘intellectually dishonest.’
Aniya ang binanggit na polisiya ng mga abogado ay higit 40 taon na at noong 2004 ay naideklarang ‘invalid’ ng Korte Suprema.
“Para banggitin ang isang polisiya na hindi sinang-ayunan ng mga korte dahil wala itong batayan sa batas ay isang uri ng pagsisinungaling upang linlangin ang publiko at mga miyembro ng kongreso,” ayon sa kalihim.
Nagpahiwatig pa si Bello na tila panlilinlang sa bahagi ng mga abogado.
“Sa ginanap na pagdinig sa Kongreso nitong Martes, binanggit ng mga abogado ng ABS CBN ang Policy Instruction No. 40 bilang batayan para sa pag-classify ng mga manggagawa ng nasabing kumpanya. Subalit hindi binanggit ng mga abogado na ang nasabing polisiya ay inisyu pa noong 1979 at parang pinalalabas na ito ay inisyu ni Bello,” ang nakasaad sa inilabas na pahayag ng DOLE.
Unang itinanggi na srin ng DOLE ang mga pahayag na napatunayan umanong compliant ang ABS CBN sa mga labor laws and standards.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.