Sa pagdinig ng Kamara, sinabi ni Nueva Ecija Rep. Micaela Violago na bukod sa ABSCBN na naipasara muna ay may 15 broadcasting companies ang patuloy pa rin ang operasyon sa kabila ng expired na ang prangkisa at kasalukuyan dinidinig ng Kongreso ang franchise renewals ng mga ito.
Kinwestyon ni Violago kung bakit pinapayagan pa rin ng NTC ang operasyon ng broadcasting companies na paso na ang prangkisa.
Posible aniyang may nilalabag din ang mga ito na batas tulad ng labor law o tax evasion law.
Giit ni Violago, dapat na masilip din ang ibang broadcasting companies na patuloy ang operasyon sa kabila ng kawalan ng prangkisa upang malaman kung ito ba ay talagang nakagawian na sa broadcasting industry at para makita rin ng mga Filipino na patas ang Kamara at walang pinapaburan na anumang kumpanya.
Pinaghahain naman ni House Committee on Good Government Chairman Jonathan Sy-Alvarado si Violago ng resolusyon para masiyasat na rin ang operasyon ng broadcast companies.