Ninakaw na radioactive device, natagpuan sa gas station sa Iraq
Isang radioactive scanner na posibleng nakamamatay at ninakaw noon pang Nobyembre mula sa isang oil facility, ang narekober ng mga otoridad sa isang gasolinahan sa Iraq.
Hinihinalang idinispatsa ito ng mga magnanakaw matapos mabigong gamitin ito.
Ang nasabing device ay ginagamit para i-test ang tibay ng isang pipeline sa pamamagitan ng gamma radiography, na naglalaman ng hanggang sa 1 gramo ng Ir-192 na isang isotope ng kemikal na Iridium.
Natagpuan itong nakalagay pa rin sa casing nito na kasing laki ng laptop, malapit sa gas station sa bayan ng Zubair sa Basra province.
Ayon sa chief ng security panel ng Basra provincial council na si Jabbar al-Saidi, isang residenteng napadaan lang ang nakapansin nito at agad na tinimbre sa mga otoridad na nag-padala naman ng special radiation prevention team.
Matapos nilang siyasatin ang device, 100 percent na intact pa rin ito at walang indikasyon na nag-leak ng radiation.
Naniniwala si al-Saidi na nabigo ang mga nagnakaw nito na mailabas ng bayan ang nasabing radioactive device kaya’t iniwan na lamang nila ito.
Hinihinalang may inside job sa naganap na pagnanakaw tatlong buwan na ang nakakaraan dahil wala namang sinirang lock o mga pinto sa pasilidad.
Tiniyak ng mga kinauukulan na huhulihin nila agad ang mga may gawa nito.
Hindi rin isinasantabi na baka may kinalaman ang Islamic State of Iraq and Syria o ISIS sa nasabing pagnanakaw, dahil gumagamit na rin umano ng mga mapanganib na armas tulad ng mustard gas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.