Ipinapahinto na ng National Telecommunications Commission (NTC) ang operasyon ng Sky Cable Corporation.
Base sa inilabas na cease and desist order ng NTC, sinabi nito na nag-expire na ang Congressional franchise nito noong May 4, 2020 kaya hindi na ito maari pang magpatuloy ng operasyon.
Partikular na ipinapahinto ng NTC ang Direct Broadcast Satelite Service ng Sky Cable.
Binigyan din ito ng regulatory body ng 10 araw upang sumagot kung bakit hindi dapat bawiin sa kanila ang naisyung frequency at ibigay sa iba.
Ang kabiguan, ayon sa NTC, ng Sky Cable na sumagot ay nangangahulugan na ayaw na nitong marinig ang kanyang panig at magpapasya ang regulatory body base sa mga hawak na ebidensya.
Ipinag-utos din ng NTC na i-refund nito ang mga customer na nagbayad ng advance maging ito man at prepaid o post paid subscribers.
Ipinababalik din dito ang mga deposit o kaya naman ay application fees ng mga nais kumuha ng kanilang serbisyo.
Ang Sky Cable ay subsidiary ng ABS-CBN.