Kaniya-kaniyang angkin ng panalo ang mga kampo ng mga presidentiables na sumabak sa kauna-unahang presidential debate ng Commission on Elections (COMELEC) sa Cagayan de Oro City noong Linggo.
Isang araw matapos ang debate, naglabas ng mga pahayag ang kampo nina Vice President Jejomar Binay, Sen. Miriam Defensor-Santiago, Davao City Mayor Rodrigo Duterte, Sen. Grace Poe at dating Interior Sec. Mar Roxas kaugnay sa pag-kamit umano ng panalo ng kanilang mga pambato sa unang round ng debate.
Para kay United Nationalist Alliance (UNA) president Navotas Rep. Tobias Tiangco, kuntento sila sa ipinakita ng kanilang pambatong si Binay sa debate dahil napatunayan niyan siya ang may pinakamaraming karanasan, pinakahanda, at ang talagang nagsusulong na paunlarin ang buhay ng mga mahihirap.
Pinuri naman ng Malacañang si Santiago, dahil ayon kay Presidential Communications Undersecretary Manuel Quezon III, marami ang naantig sa ipinakitang katapangan ng senadora sa kabila ng karamdaman nito.
Gayunman, si Roxas naman ang kanilang idineklarang “best prepared” speaker sa debate dahil naihayag niya ang mga importanteng timelines at ipinakita rin niya kung gaano siya ka-responsable at ka-tutok sa kaniyang mga pangako.
Ayon sa kaniyang running mate na si Rep. Leni Robredo, si Roxas aniya ang nangibabaw sa lahat dahil sa ipinakita nitong kalinawan at sinseridad.
Sa isang press release, idineklara naman ng kampo ni Duterte na ang alkalde ang nag-wagi sa unang presidential debate, habang ang “big loser” naman daw ay si Binay.
Sinang-ayunan naman ito ng kaniyan ka-tandem na si Sen. Alan Peter Cayetano at sinabing si Binay ang pinakatalunan sa debate dahil sa pagsi-sinungaling umano niya tungkol sa pinagmulan ng kaniyang yaman at hindi niya kayang pag-usapan ang isyu ng katiwalian.
Isa namang “enriching experience” para kay Poe ang naganap na debate, dahil nalaman niya ang mga pangangailangan ng mga tao at nagtulak pa ito na mas mag-pursigeng tunguhin ang mas liblib pang mga lugar sa bansa para malaman kung ano pa ang kailangan ng mga tao doon.
Samantala, para kay COMELEC Chair Andres Bautista, naging maganda ang simula ng kanilang serye ng mga debate para sa mga presidentiables.
Napansin naman ni Bautista na tila masyadong naging pormal ang mga kandidato, pero sa tingin niya, baka nangangapa pa lamang ang mga ito kaya inaasahan niya na baka mas maging agresibo na sila sa mga susunod pang debate.
Pinag-aaralan na aniya ng COMELEC ang posibilidad ng pagpapa-ganda pa ng paraan ng pagsasagawa ng debate para mas mapayagan ang mga kandidato na maging mas agresibo sa pakikipag-palitan ng argumento.
Kasama na rin sa tinitingnan nilang baguhin ay ang haba ng oras na ibinibigay sa bawat kandidato para makapag-salita, at napansin rin nila ang naging puna ng publiko na masyadong maraming advertisements ang umere sa kasagsagan ng debate.
Subalit kung naging maayos ito sa pananaw ng COMELEC, pinuna naman ito ng kabu-buo pa lamang na grupong Dignidad.
Ito ay dahil hindi umano sila na-impress sa debate at sa mga ipinakita ng mga kandidato.
Palyado umano ang mga tanong, pati na ang sagot ng mga kandidato dito at ang mismong kabuuan ng debate.