Delay na proyektong patubig para sa mga magsasaka sa Central Luzon pinatutugunan sa NIA

Umapela si Magsasaka Partylist Rep. Argel Cabatbat sa National Irrigation Authority (NIA) na tugunan ang nabibinbing proyektong patubig para sa mga magsasaka.

Ayon kay Cabatbat maraming reklamo ang nakararating sa kaniyang tanggapan mula sa mga magsasaka patungkol sa sistemang irigasyon.

Sinabi ni Cabatbat na maliban sa delay na proyekto para sa irigasyon, may iba pang problema sa mga pasilidad na pinagkukuhanan ng tubig ng mga magsasaka.

Kabilang dito ang butas sa rubber gates ng Bustos dam, at may 500-metrong nagbitak-bitak at umangat na pader ang Superdivision Canal sa Rizal, Nueva Ecija.

Buong Central Luzon aniya ang namumroblema sa suplay ng tubig, at siguradong apektado ang pagtatanim ng bigas mula sa “rice granary” ng bansa.

Ayon sa mambabatas, nagsimula na ang ulan, pero hindi pa rin dumadating ang tubig galing sa programang irigasyon ng pamahalaan.

“Sa panahon ng krisis at pandemya, ang pagpapatibay sa lokal na produksiyon ng pagkain ang unang hakbang upang maiwasan ang pagkagutom ng ating mga kababayan,” pahayag ni Cabatbat.

Ani Cabatbat, bawat araw na nasasayang dahil hindi makapagtanim ang mga magsasaka ay dagdag na bilang ng mga hindi makapagtrabaho at nagugutom sa mga panahong ito.

Read more...