Ayon kay Senior Deputy Majority Leader Boying Remulla, dapat makasuhan sa Office of the Ombudsman si NTC Commissioner Gamaliel Cordoba dahil sa pagsuway sa kapangyarihan ng Kongreso na mag-isyu ng prangkisa.
Iginiit ni Remulla na hindi dapat kinukunsinte ng NTC ang network na patuloy na mag-operate nang walang prangkisa at kumita rito sa pamamagitan ng TV Plus.
Pinagbibitiw naman ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta si Cordoba dahil hindi aniya ginagawa ang kanyang trabaho.
Pinuna ni Marcoleta na inabot ng 19 na araw bago naisipan ng NTC na mag-isyu ng alias cease and desist order dahil sa paglabag ng ABS-CBN sa naunang CDO.
Sa kanyang paliwanag, sinabi ng NTC Commissioner na humingi pa sila ng guidance sa Office of the Solicitor General nang malamang patuloy na umeere ang mga palabas ng ABS-CBN sa TV Plus.
Gusto lang aniya nilang maging maingat sa mga gagawing hakbang dahil sa nakabinbing kaso sa Korte Suprema hinggil sa usapin ng prangkisa ng network.