Mga ahensiya ng gobyerno pinakiusapan ni Senador Go na tulungan ang distressed OFWs documented man o hindi

June 26, 2020 - 07:46 AM

Iginiit ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go, na dapat tulungan ng gobyerno ang lahat na mga Filipino na nababalisa lalo iyong mga nasa ibayong-dagat. Binigyang-diin nito na “Pilipino ang mga ‘yan, documented man o undocumented, tulungan dapat natin.”

Sa virtual hearing ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development na dinaluhan ng ibang mga senador at concerned government agencies ay inihayag ni Go ang kanyang pag-aalala sa overseas Filipino workers na apektado ng COVID-19 pandemic.

Hiniling din ng senador ang kasagutan ng Department of Labor and Employment sa ayuda na kanilang ipinagkakaloob maging sa mga hindi dokumentadong OFWs na apektado ng pandemic.

“What kind of assistance are we extending to undocumented OFWs? To date, how many of them have been repatriated? How long will it take to repatriate our undocumented OFWs? Ano ba ang mga nakikita ninyong problema tungkol dito?” Tanong ni Go.

Sinagot naman ito ni Labor Secretary Silvestre Bello III, sa pagsasabing pinaprayoridad nila ang maaring ipagkaloob na tulong sa mya documented OFWs dahil technically sila ang nasa hurisdiksiyon ng DOLE.

Gayunman, tiniyak ni Bello, na magbibigay din sila ng assistance sa undocumented OFWs.

“Doon sa documented, may binigay si Pangulong Duterte na PhP2.5 billion na cash assistance. Kaya lang sa pagbibigay ng cash assistance ay priority ‘yung mga documented. Ang una, ‘yung mga documented na nawalan ng trabaho o hindi nawalan ng trabaho pero hindi makapag-trabaho dahil sa lockdown,” paliwanag pa Bello.

Nakiusap naman ang kalihim sa mga mambabatas na tulungan ang
labor department na makahanap ng pondo para sa cash assistance sa OFWs dahil lumampas sa target ng DOLE ang dapat nilang ayudahan-mula sa 250,000 patungo sa mahigit 500,000 migrant workers na humihingi ng government assistance.

Hinimok naman ni Go ang DOLE na huwag pabayaan ang undocumented OFWs, sa pagsasabing Filipino din ang mga ito at mandato ng pamahalaan na sila ay asistehan lalot nahaharap ang mga ito sa pagsubok.

“Kailangan natin suportahan ang lahat ng ating mga kababayan na naghihirap ngayon lalo na’t panahon ng krisis sa buong mundo. Sabi rin ni Pangulo na walang dapat mapabayaan na Pilipino sa laban na ito,” giit ng senador.

Humingi naman ng updates ang senador sa kalagayan ng mga OFWs na istranded sa Metro Manila at naghihintay ng kanilang COVID-19 test results.

Hiningi din niya ang klaripikasyon sa pahirapan umanong koordinasyon sa pagitan ng DOLE at local government units para sa repatriation ng mga apektadong OFWs.

Tugon naman ni Bello, natengga ang
24,000 OFWs na napaulat na naistraded sa Metro Manila habang hinihintay pa ang kanilang test results.

At bilang tugon aniya, sa atas ng Pangulo na resolbahin ang isyu ay kaagad na pinaiksi ng Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases ang repatriation and health protocols.

“Nung nagkaroon ng kautusan si Pangulong Duterte, all agencies worked together. Fortunately, we’re able to send home within the one-week period given by President not only 24,000 but 25,000 OFWs,” wika ni Bello

Dagdag pa nito, “Based on this experience, ang ginawa namin sa IATF na nagkaroon ng usapan na ‘pag dumating ang OFWs, longest they should stay here (Metro Manila) is five days. Fifth day, dapat ipauwi na sa final destination. Ganun na ang bagong protocol ngayon.”

Binanggit din ng kalihim na maagang ipinaaalam sa IATF kapag may OFWs na papauwi sa bansa nang sa gayun ay agad itong naipabatid sa LGUs na tatanggap sa mga ito.

Samantala, sa kanyang mga naunang pahayag, sinabi ni Go, “Uulitin ko po, dapat siguraduhin na willing at handa ang LGUs na tatanggap sa mga uuwi nilang mga kababayan. Bilang chair ng Senate Committee on Health, lagi kong ipinapaalala sa ating mga ahensya na sundin ang tamang proseso at magkaroon ng maayos na koordinasyon lalo na sa lokal na pamahalaan upang maisaalang-alang palagi ang buhay at kaligtasan ng mga tao.”

Ayon sa IATF officials, kapag dumating sa bansa ang OFWs, sila ay isasailalim sa COVID-19 test at dadalhin sa partner-hotels. Sa sandaling sila ay mag-negatibo ay pauuwiin na sila sa kani-kanilang mga tahanan sa probinsiya.

Humingi naman ng kasagutan si Go mula sa Philippine Overseas Employment Administration hinggil sa status of deployment ng Filipino seafarers at mga kahalintulad na usapin.

Ayon kay POEA head Bernard Olalia, sinimulan na nila ang consultation process sa maritime industry tripartite consultative council sa mga isyu ng Filipino seafarers Kabilang na ang flexible work arrangements at pagbabawas sa suweldo ng mga ito.

Binanggit din ni Olalia, na batay sa labor standards ay hindi maaring aprubahan ng POEA ang below mininum na pasahod nang hindi dumadaan sa tripartite consultation.

Samantala, nagpahayag naman ng suporta ang founder and current president ng Blas F. Ople Policy Center na si Susan Ople sa isinusulong na dedicated agency na tutugon sa OFW concerns na bahagi nang panukalang batas ni Senador Go na magtatatag ng Department for Overseas Filipinos.

“Kung may iisang department po sana, madaling ma-monitor….But ngayon kasi, we have to deal with the reality na maraming departments ang may kanya kanyang pondo. So, we just want to affix ‘yung accountability,” Wika ni Ople.

“Bakit po ang daming locally stranded individuals (LSIs), kasi po lahat nagpupunta sa Manila to get jobs abroad. For this, we can introduce legislative reforms to strengthen POEA and its regional offices, and also the modernization of POEA. Sana din po ‘yung matagal nang inaasam na department for OFWs,” saad pa nito.

Hulyo noong nakaraang taon nang ihain ang Senate Bill 202, o ang Department of Overseas Filipinos Act of 2019, na naglalayung tugunan ang mga hinaing ng overseas Filipinos.

Layun din ng panukala na ilipat sa iisang departamento ang lahat ng ahensiya ng gobyerno na tumutugon sa OFW matters and concerns.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.