Mga jeep na pasado sa roadworthiness test dapat payagan nang pumasada – Sen. Poe

By Jan Escosio June 26, 2020 - 06:01 PM

Sinabi ni Senator Grace Poe na dapat ay payagan nang pumasada sa kanilang mga ruta ang mga traditional jeepney na pumasa naman na sa roadworthiness test.

Katuwiran ng senadora malaking tulong sa mga mananakay ng Metro Manila kung makakabiyahe na rin ang mga traditional jeepney.

Kailangan lang din aniya ang makakasunod sa safety and health protocols ang PUJs.

Pinansin ng namumuno sa Senate Committee on Public Services ang hirap ng mga komyuter araw-araw sa kanilang pagbiyahe dahil kulang pa rin ang mga pampublikong sasakyan na pumapasada.

“Sinasabi nila (LTFRB) na maglalabas sila ng 1,500 modern jeepney next week. Ang talagang kabuuang numero ng mga jeep sa Metro Manila lamang ay 60,000. Papaano nila masasabi na ‘pag-aaralan natin kung ano ang kulang,’ talagang kulang pa rin kung magkakaroon tayo ng moderate GCQ. Kung dati kulang na, kung babawasan pa, mas lalong magkukulang,” sabi ng senadora.

Dagdag pa nito, “Noon ko pa sinasabi na hangga’t roadworthy dapat payagan ang pamamasada na ‘yan. Kung kakarag-karag na, smoke belcher, hindi na ligtas ay huwag talaga payagan ‘yan.”

Diin pa ni Poe hindi naman siya kontra sa jeepney modernization program ngunit kailangan lang intindihin ang daing ng mga jeepney driver dahil higit tatlong buwan na rin silang walang kabuhayan.

 

 

TAGS: Jeep, Senator Grace Poe, traditional jeep, Jeep, Senator Grace Poe, traditional jeep

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.