Paglimita sa mabibigyan ng 2nd tranche ng SAP labag sa batas

Posibleng maharap sa kasong kriminal ang mga tagapagpatupad ng Social Amelioration Program (SAP) kung hindi mabibigyan ng ayuda ang mga nasa lugar na niluwagan na ang quarantine restrictions.

Ito ay kasunod ng desisyon ng Inter-Agency Task Force at sa rekomendasyon na rin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na lilimitahan na lamang sa mga households na nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) at general community quarantine (GCQ) ang distribusyon ng P100 billion na financial assistance.

Ayon kay Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, ang gagawin ng IATF at DSWD ay paglabag sa Republic Act No. 11469 o Bayanihan to Heal as One Law.

Malinaw aniya na nakasaad sa batas na ang emergency financial assistance o ang SAP ay dapat na ipamahagi sa 18 milyong households na nabibilang sa low-income families sa loob ng dalawang buwan.

Kung lilimitahan aniya ang mga benepisyaryo ng SAP taliwas sa nakasaad sa batas, mas maraming mahihirap na pamilya sa buong bansa ang hindi na makakatanggap ng ayuda.

Paalala din ng kongresista, bukod sa nilalabag ng mga opisyal ang Bayanihan Law ay may pananagutan din ang mga ito sa ilalim ng Anti-Graft Law.

 

 

Read more...