Crackdown sa mga ‘jumper’ sa Iloilo City pinaigting pa

Mas pinaigting pa ng lokal na pamahalaan ng Iloilo City ang crackdown sa mga nagnanakaw ng kuryente sa lungsod.

Kasabay nito, nagbabala si Iloilo City Mayor Jerry Treñas na ang pinakamabigat na parusa ang ipapataw ng lokal na pamahalaan sa mga nagnanakaw pa rin ng kuryente o mga gumagamit pa rin ng ‘jumper’.

Ginawa ni Treñas ang pahayag matapos mahuli sa akto ang dalawang suspek na kinilalang sina Nazareno Pagayon, 54, isang barangay tanod at Jason Mark Gualin, 26, kapwa residente ng Brgy. Yulo Drive, Arevalo, Iloilo City, na nagtatanggal ng electric meter ng More Electric and Power Corp.

Nahaharap ang mga ito sa kasong Anti-Pilferage of Electricity Act and Theft of Electric Transmission Lines/Materials Act of 1994.

Kaya naman hinikayat ng alkalde ang mga mayroon pa ring illegal connection na mag-apply ng kanilang sariling electric meter sa pamamagitan ng ‘iKonek Program’, isang kasunduan na pinasok ng lungsod sa pagitan ng MORE Power na nakatuon para tulungan ang mga informal settlers sa kanilang pagpapakabit ng linya ng kuryente.

Sa ilalim ng iKonek Program, nangako ang MORE Power na sa loob ng 10 hanggang 12 araw tapos na ang proseso ng kanilang aplikasyon, mayroon umanong One Stop Shop para sa mabilis na pagproseso ng requirements.

Sa report ng MORE Power, sa loob ng isang araw ay 2 hanggang 3 report ng illegal connections ang kanilang natatanggap.

Ayon kay MORE Power President Roel Castro, aktibo nilang sinusuyod ang mga organized jumpers na nag-ooperate sa Iloilo City na sya umanong dahilan kung bakit mataas ang system loss na nagreresulta sa mataas na singil sa kuryente at overloading sa distribution system.

Natukoy ng MORE Power na mayroong 30,000 illegal connections sa lalawigan, sa nasabing bilang ay halos 20% ang systems loss, kung susumahin umano, kung ang buong lalawigan ay 100 megawatts ang kunsumo sa isang araw, nasa 20 megawatts ang nakukunsumo ng mga jumpers.

 

 

 

Read more...