Sa datos ng Department of Foreign Affairs (DFA) hanggang June 25, umakyat na sa 8,361 ang mga kumpirmadong positibo sa COVID-19 na Filipino mula sa 56 na bansa at rehiyon.
Sa nasabing bilang, 2,772 ang patuloy na nagpapagamot sa iba’t ibang ospital.
Apat naman gumaling pa kung kaya 5,076 na ang overseas Filipinos na naka-recover sa nakakahawang sakit o na-discharge na sa ospital.
Samantala, isa naman ang nasawi kung kaya 513 na ang bilang ng Pinoy abroad na pumanaw dahil sa COVID-19.
Pinakamarami pa ring naitalang confirmed COVID-19 positive na OF sa bahagi ng Middle East/Africa na may 6,114 na kaso.
Sumunod dito ang Europa na may 970 confirmed COVID-19 positive cases na OF.
Nasa 685 naman ang kaso sa Americas at 592 sa Asia Pacific Region.
Tiniyak ng DFA na sa pamamagitan ng Foreign Service Posts, tutukan ang lagay ng mga Pinoy sa ibang bansa at handang umasiste sa mga Filipino na apektado ng COVID-19 pandemic.