Kampo ni VP Binay, pumalag sa banat ni Roxas tungkol sa droga sa Makati City
Sa naganap na presidential debate sa Cagayan de Oro, hindi naiwasan ng mga kandidato na magpatutsada sa kanilang mga katunggali, pahapyaw man o diretsahan.
Tulad na lamang ng pag-bwelta ni Vice President Jejomar Binay sa mga banat sa kaniya ni Liberal Party standard bearer Mar Roxas tungkol sa pagiging laganap ng iligal na droga sa Makati City at sinabing ang lungsod ang may highest drug rate.
Bukod dito, sinabi pa ni Roxas na dalawa ang mukha ng Makati, ang isa ay ang pinaunlad aniya ng mga Ayala kung saan marami ang may trabaho, habang ang isa pa na hawak ng mga Binay ay mahirap pa rin tulad ng Pembo at Rembo.
Bilang tugon, kinwestyon ni Binay kung saan nanggaling ang mga istatistikang pinagkuhanan ni Roxas sa pagsasabing highest rate sa droga ang Makati City.
Depensa pa ni Binay, ang mga residente sa East at West Rembo sa Makati ay hindi na naghi-hirap dahil kuntento sila sa serbisyong kanilang natanggap, at masasaya ang mga tao doon dahil nabigyan na sila ng mga lupa.
Samantala, pagkatapos ng debate, nag-labas rin ng pahayag ang kampo ni Binay na pinasinungalingan ang mga sinabi ni Roxas.
Ayon sa communications director ni Binay na si Joey Salgado, malaki ang ibinawas sa bilang ng mga mahihirap sa Makati sa ilalim ng panunungkulan ng mga Binay dahil mula sa 17,000 noong 2002, naging 2,000 na lang ang mahihirap pagdating ng 2012.
Ito aniya ay taliwas sa kalagayan ng kahirapan sa Roxas City na balwarte ni Roxas.
Nilinaw rin ni Salgado na minsan nang kinilala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang Makati City para sa anti-drug campaign nito.
Imbis din aniya na talakayin ang mga isyu, ibinida lamang ni Roxas ang kaniyang sarili, kaya hinimok siya ni Salgado na ituon lamang ang pansin sa isyu..
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.