Poe kay Roxas: ‘Bagito rin si PNoy nang manungkulan’

By Kathleen Betina Aenlle February 22, 2016 - 04:31 AM

 

Mula sa Twitter/inquirer.net

Mistulang walang kaalam-alam si Sen. Grace Poe na siya ang pinatutungkulan ni dating Interior Sec. Mar Roxas nang sabihin niyang ang pagiging pangulo ay hindi tulad ng pagiging OJT o on-the job training.

Sa kauna-unahang presidential debate ng Commission on Elections (COMELEC) na ginanap sa Cagayan de Oro, inamin ni Poe na manipis nga ang kaniyang karanasan.

Sa pag-harap ng senadora sa media pagkatapos ng debate, tinanong siya kung ano ang kaniyang reaksyon sa pahayag ni Roxas tungkol sa kaniya, at tila ikinagulat pa na siya pala ang tinutukoy ng katunggali.

Sagot ni Poe, di hamak naman na mas may karanasan si Roxas kaysa kay Pangulong Benigno Aquino III nang tumakbo siya bilang presidente, ngunit siya pa rin ang ibinoto ng mga tao noon.

Matatandaang sa halip na tumakbo bilang pangulo noong 2010, nagpa-ubaya si Roxas kay Pangulong Aquino na noo’y tatlong taon pa lang naninilbihan sa Senado.

Inamin naman ni Poe sa debate na kung ikukumpara sa kaniyang mga katunggali, siya talaga ang pinaka-bagito, ngunit idinepensa na ang tagal sa panunungkulan ay hindi basehan ng pagiging magaling.

Ipinunto niya pa na si Roxas nga ay nanilbihan sa publiko sa loob ng tatlong administrasyon, ngunit nakitaan pa rin ng kakulangan at binanggit niya pa ang naging imbestigasyon sa Department of Transport and Communications (DOTC) at Department of Interior and Local Government (DILG) na mga pinamunuan ni Roxas.

Si Roxas ay nanungkulan na rin sa ilalim ng administrasyon nina dating Pangulong Joseph Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo.

Dagdag ni Poe sa kaniyang sagot, siguro aniya ay ngayon na ang pagkakataon na pag-bigyan ang kandidatong bagaman baguhan, mayroon namang kakayanan, integridad at magandang plano para sa bayan.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.