DOJ, suportado ang mga panukala ng Senado na nagbabawal sa hazing
Kakampi ng Senado ang Department of Justice (DOJ) sa kanilang mga panukalang ipagbawal ang hazing bilang initiation rites sa lahat ng mga fraternities, sororities at iba pang organisasyon sa buong bansa.
Sa isinumite nilang legal position sa Senado, sinani ni Justice Undersecretary Zabedin Azis na suportado ng DOJ ang mga hakbang ng Kongreso para mas patibayin ang Anti-Hazing Law dahil na rin sa dami ng mga namamatay na bagong salta sa mga organisasyong gumagawa nito bilang initiation.
Inuulit aniya nila ang kanilang mungkahi na ituring nang isang krimen ang pagdudulot ng pisikal at psychological na pananakit sa mga neophytes sa pamamagitan ng hazing.
Dagdag ni Azis, ang kasalukuyang umiiral na batas kasi kaugnay dito ay nagre-regulate lamang ngunit hindi nito itinuturing na isang krimen ang mismong paggawa nito.
Marami nang panukala sa Senado ang nagla-layong i-regulate ang hazing at iba pang initiation rites.
Kabilang na rito ang panukala ni Sen. Tito Sotto na magbibigay ng parusang life imprisonment kapag ginawa ang hazing sa ilalim ng impluwensya ng alak o iligal na droga.
Ang panukala naman ni Sen. Miriam Defensor-Santiago ay ang pag-parusa sa sinumang naroon habang nagaganap ang hazing pero hindi nag-sumbong sa kinauukulan.
Para kay Sen. Gringo Honasan naman, dapat obligahin ang pamunuan ng mga paaralan na bantayan ang mga fraternities at lagyan ng parusa ang hazing.
Sa panukala naman ni Sen. Cynthia Villar, dapat ay mayroong written consent mula sa magulang ang sinumang may edad na 21 pababa bago siya maging miyembro ng isang fraternity.
Bukod pa dito, kailangan ding may dalawang advisers na magbabantay sa initiation, isang medical practitioner na naka standby at ang mga neophytes ay dapat umano munang dumaan sa medical checkup bago ang initiation.
Ani Azis, may kapangyarihan ang Kongreso para tukuyin kung ano ang krimen at mag-bigay ng parusa ukol dito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.