Sa inihaing House Resolution 992 ng Makabayan bloc, nais ng mga ito na magsagawa ng pagsisiyasat ang House Committee on Agriculture and Food at House Committee on Good Government and Public Accountability sa napaulat na ‘fertilizer scam’ sa pagitan ng DA at mga nanalong bidders.
Sinasabing ‘overpriced’ ng P271.66 million ang P1.8-billion fertilizer contract ng DA mula sa winning bidders na La Filipina Uy Gongco Corporation at Atlas Fertilizer.
Pinagbasehan dito ang pahayag ng mga magsasaka sa mga lalawigan ng Tarlac at Nueva Ecija na ang average price ng isang sako ng fertilizer ay P850 lamang habang sa ibang lalawigan ay mabibili pa ito sa P810 hanggang P830 per bag pero ang presyo na kinuha ng DA ay nasa P990 hanggang P1,000 kada sako ng pataba.
Nais ding malaman ng mga ito kung bakit ang bidder na La Filipina ang nakakuha ng kontrata kahit na sinasabing wala itong stocks na fertilizer.