Pilipinas binigyan lang ng 72-oras ng hari ng Saudi Arabia para maiuwi ang mga labi ng 282 na pumanaw na Pinoy
Pitumpu’t dalawang oras lang ang ibinigay na deadline ng Saudi Arabia sa gobyerno ng Pilipinas para maiuwi sa bansa ang mga labi ng 282 na pumanaw na Overseas Filipino Workers (OFWs).
Ayon kay Labor and Employment Sec. Silvestre Bello III, 72 oras ang ibinigay ni King Salman ng Saudi Arabia para maiuwi sa bansa ang mga nasawing Pinoy.
Sa nasabing bilang, 50 ang pumanaw dahil sa COVID-19.
Sinabi ni Bello na nagpasya ang National Task Force Against COVID-19 na pumayag na sa nais ng Saudi government na ilibing na doon ang 50 Pinoy na nasawi dahil sa COVID-19.
Habang para sa nalalabi pang mahigit 200 pang OFWs na pumanaw, mayroong tatlong chartered flights ang Cebu Pacific at Philippine Airlines na mag-uuwi sa kanilang labi.
Pero ayon kay Bello, hiniling nila sa Saudi Government na bigyan sila ng sapat na panahon pa para maisagawa ang repatriation sa mga labi.
Hindi aniya kasi kakayanin ang 72 oras para maiuwi ang mga nasawing OFWs.
Una nang tiniyak ng Malakanyang na maiuuwi ang labi ng mga pumanaw na Pinoy sa Saudi Arabia.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na sa Saudi Arabia na ililibing ang mga nasawi dahil sa COVID-19 habang ang iba pa ay iuuwi sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.