12 pang Pinoy abroad, nagpositibo sa COVID-19 – DFA

Nasa 12 ang bagong napaulat na nagpositibong Filipino sa COVID-19 sa ibang bansa.

Sa datos ng Department of Foreign Affairs (DFA) hanggang June 20, umakyat na sa 6,140 ang mga kumpirmadong positibo sa COVID-19 na Filipino mula sa 53 na bansa at rehiyon.

Sa nasabing bilang, 2,794 ang patuloy na nagpapagamot sa iba’t ibang ospital.

Tatlo naman gumaling pa kung kaya 2,851 na ang overseas Filipinos na naka-recover sa nakakahawang sakit o na-discharge na sa ospital.

Samantala, nadagdagan nang 12 ang nasawi kung kaya 495 na ang bilang ng Pinoy abroad na pumanaw dahil sa COVID-19.

Pinakamarami pa ring naitalang confirmed COVID-19 positive na OF sa bahagi ng Middle East/Africa na may 3,944 na kaso.

Sumunod dito ang Europa na may 937 confirmed COVID-19 positive cases na OF.

Nasa 685 naman ang kaso sa Americas at 574 sa Asia Pacific Region.

Tiniyak ng DFA na sa pamamagitan ng Foreign Service Posts, tutukan ang lagay ng mga Pinoy sa ibang bansa at handang umasiste sa mga Filipino na apektado ng COVID-19 pandemic.

Read more...