Isinailalim na sa State of Emergency ang munisipalidad ng Calaca sa Batangas.
Ito ay dahil sa patuloy na tinutupok ng sunog ang oil depot ng Phoenix Petroterminals and Industrial Park Corporation na matatagpuan sa Barangay Puting Bato West.
Mahigit sampung oras na ang itinatagal nang sunog simula nang sumiklab ito kahapon.
Dahil umabot sa general alarm, inutusan ang mga bumbero sa buong Southern Tagalog na tumulong sa pag-apula ng naturang sunog.
Pinalikas na ang mga residente na naninirahan malapit sa lugar matapos itaas ng Bureau of Fire Protection sa general alarm ang sunog.
Aabot sa 142 pamilya o 559 katao na nakatira malapit sa LPG facility ang nailikas na sa apat na eskwelahan na malayo sa pinangyayarihan ng sunog.
Ayon kay Senior Superintendent Sergio Soriano Jr., ang regional director ng BFP sa Calabarzon, posibleng tumagal ng dalawa o tatlong araw pa ang naturang sunog dahil ang apat na capsule tank ng pasilidad ay may laman na 7,000 metric tons ng LPG.
Hindi na aniya magde-deploy ng mga bumbero na malapit sa mga capsule tank dahil sa pagsabog na posibleng maganap.
Kaugnay nito, dalawang empleyado sa industrial park ang isinugod sa dalawang magkahiwalay na ospital dahil sa suffocation at chemical inhalation.
Sa kabila nito, wala pang inilalabas na pahayag ang nagmamay-ari ng LPG facility at hanggang ngayon ay inaalam pa rin kung ano ang pinagmulan ng sunog.