Umapela si Senator Joel Villanueva na maging maluwag sa mga online seller sa halip na maghigpit.
Katuwiran ni Villanueva marami sa online sellers ngayon ay walang trabaho at pumasok sa pagnenegosyo para mabuhay at para sa kanilang mga pangangailangan.
Nahihirapan na rin aniya ang mga ito na makahanap ng bagong trabaho dahil maraming negosyo ang nagsara kundi man ay nagbawas ng mga empleado.
“Payak lang po ang konsiderasyon na nasa isip ng ating mga manggagawa na nakikipagsapalaran ngayon bilang mga online seller. Kailangan po nilang kumita para may pagkain sa kanilang hapag at matustusan ang iba pang pangangailangan ng kanilang pamilya tulad ng bayarin sa upa, kuryente, tubig, at iba pa,” ang ipinunto ng senador.
Diin ni Villanueva sa sitwasyon ngayon hindi na dapat pang daanin sa pananakot ang panghihikayat sa mga online seller na magpa-rehistro.
Una na rin hiniling sa mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno na magbigay ng libreng training sa mga bagong negosyante para malaman nila ang mga tamang pamamaraan sa pagnenegosyo.