KASISIMULA pa lang ng tag-ulan pero heto, mahigit 60 pasahero na ang namatay sa tumaob at lumubog na MB Kim Nirvana-B sa Ormoc City. Ito’y posible sanang naiwasan kung ginawa lamang ng mga taga-gobyerno ang kanilang mga trabaho.
Kinasuhan ng PNP ng “multiple murder” at “reckless imprudence resulting in homicide and physical injuries” ang may-ari ng barko na si Jorge Bung Zarco, Captain Warren Oliverio at 17 crew members at ikinulong sa Ormoc Police Station, matapos magreklamo ang tatlong pasahero kabilang ang dalawang dayuhan.
Lumilitaw na may mga pasaherong wala sa manipesto ng barko nang lumayag ito. Ayon sa record, 189 lang dapat ang sakay nito — 173 pasahero at 14 crew. Pero matapos ang rescue and retrieval operations, lumilitaw na 60 ang namatay at 142 ang nailigtas o kabuuang 201 katao. Ibig sabihin, sobra ng 12 ang aktwal na sakay ng barko, o baka higit pa.
Dito, maliwanag na nagpabaya ang Philippine Coast Guard diyan sa Ormoc City dahil sila ang nagsasagawa ng pagsusuri sa passenger manifest.
Anyare? Kung ako si PCG Commandant Admiral Rodolfo Isorena, sisibakin ko agad ang PCG commander diyan sa Ormoc at mga tauhan nitong umakyat sa MB Nirvana at nag-check ng mga pasahero, kargamento at mga dokumento bago umalis. Sibakin na rin si PCG Eastern Visayas Commandant Capt. Pedro Tinampay.
Kundi kasi sila nagpabaya, malamang na “nalagyan” sila para kalimutan ang trabaho. Ano na ang nangyari sa dating patakaran na sumasama sa byahe ng mga barko ang mga taga-Coast Guard para ma-monitor ang aktwal na sitwasyon doon?
Isa pang isyu rito ang mabilisang pagtaob ng “motorized outrigger” na palaisipan din, lalo pa’t bagong bago pa ito at kagagawa lamang sa Pilar, Cebu.
Pero, sabi ng mga survivors, meron ding “overloading” ng cargo kung saan higit 150 sako ng semento, bukod pa sa mga sako ng fertilizer at bigas ang nakakarga rin sa bangka. Hindi raw ito nakatali sa sahig ng barko kayat maaring pumihit bago lumubog.
Nito lamang Abril, idinaos sa PICC ang International Maritime Organization (IMO) Conference at nagkaroon pa ng “Manila Statement” kung saan dapat daw ay magpatupad ng mga kinakailangang regulasyon para maging ligtas ang biyahe ng mga pasahero sa mga “ferry boats” sa buong mundo.
Ayon pa kay IMO Secretary General Koji Sekimizu, ang “safety standards” sa mga domestic passenger ferries ay dapat na singlakas ng mga ipinatutupad sa “international vessels”.
Nandon din sa pulong na iyon sina DOTC Sec. Joseph Emilio Abaya at Maritime Industry Authority (Marina) Admistrator Maximo Mejia. Nakinig kaya sila? Makalipas lang ang tatlong buwan, heto at may disgrasya na.
Bakit nabigyan ng Marina ng “certificate of seaworthiness” ang MB Kim Nirvana-B kung ganoon kabilis lamang lumubog ang barko? Bakit nabigyan ng lisensya ang kapitan na si Warren Oliverio na sinisisi sa “human error?” Hindi ba niya nasuri ang kanyang overloaded na cargo at mga pasahero?
Totoong lalabas lahat ng ito sa imbestigasyon ng Board of Marine inquiry. Pero, pwede po bang sibakin muna ang mga tagabantay ng mga lumubog na barkong ito?
Imbestiga kayo ng imbestiga pero sarili ninyong kapalpakan sa gobyerno, hindi niyo nakikita!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.