Ayon sa U.S. Embassy, layon ng U.S. Agency for International Development (USAID) na makatulong sa edukasyon ng bansa sa gitna ng nararanasang COVID-19 pandemic.
Nakipagtulungan ang USAID sa Department of Education (DepEd) para matiyak na maipagpapatuloy ng mga guro ang pagtuturo at may matututunan pa rin ang mga estudyante kahit sarado pa ang mga eskwelahan.
Magbibigay ang USAID sa mga guro ng instruction strategies at learning materials na maaaring gamitin sa paaralan at bahay.
Maliban dito, tutulong din ang USAID sa DepEd sa pag-develop ng mabilis at easy-to-use assessment tools upang masuportahan pa rin ng mga guro ang literacy skills ng mga estudyante.
Mag-aasiste rin ang USAID sa pagbuo ng mga aktibidad na maaaring gawin ng mga magulang sa bahay.
“The U.S. government, through USAID, remains committed to ensuring young students have the opportunity to continue to learn despite the challenges that COVID-19 has created,” pahayag ni USAID Mission Director Lawrence Hardy.
Ayon sa U.S. Embassy, posibleng maapektuhan ang pag-aaral ng mahigit-kumulang 27.7 milyong batang Filipino bunsod ng pagsasara ng mga eskwelahan dulot ng pandemiya.