Easterlies, ITCZ umiiral pa rin sa bansa – PAGASA

Photo grab from DOST PAGASA website

Patuloy na nakakaapekto ang Easterlies at Inter-Tropical Convergence Zone o ITCZ sa malaking bahagi ng bansa.

Ayon kay PAGASA weather specialist Chris Perez, umiiral ang Easterlies o hangin mula sa Silangan sa bahagi Southern Luzon at Visayas.

Dahil dito, magiging mainit at maalinsangan pa rin ang panahon sa araw ng Huwebes, June 18, sa malaking bahagi ng Luzon.

May posibilidad lamang aniya ng pulo-pulong pag-ulan tuwing hapon at gabi.

Sa Visayas naman, sinabi ni Perez na asahan ang maulap na kalangitan na may tsansa ng kalat-kalat na pag-ulan, pagkidlat at pagkulog sa Samar at Leyte provinces.

Maulap na papawirin at pag-ulan ang posibleng maranasan sa Caraga at Davao City sa Mindanao dulot ng ITCZ.

Sa natitira namang bahagi ng Mindanao, ani Perez, magiging maalinsangan pa rin na may poisiblidad na pulo-pulong pag-ulan tuwing hapon at gabi.

Sinabi rin nito na walang binabantayang bagyo sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Read more...