Kulang-kulang umano ang mga istoryang ipinahayag ni National Democratic Front (NDF) peace panel chairman Luis Jalandoni tungkol sa tinutukoy niyang ‘peace deal’ na naganap sa pagitan nila at ng kampo ng pamahalaan.
Ito ang naging tugon ni government peace panel chair Alexander Padilla sa inilahad na mga pangyayari ni Jalandoni tungkol sa umano’y peace deal na binubuo nila ng pamahalaan.
Mariing itinanggi ni Padilla na tumanggi si Pangulong Benigno Aquino III na ipagpatuloy ang pagsusulong ng kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at NDF.
Banat pa niya kay Jalandoni, walang nabuong peace deal, at ang tinutukoy niya sa kaniyang ikinwento ay hindi isang kasunduan.
Paglilinaw ni Padilla, ang mga naganap ay isang grupo ng mga pribadong indibidwal na itinuturing nilang ‘friends of the process’ ang namamagitan sa dalawang partido para alamin ang mga kakailanganin para muling buhayin ang peace talks sa lalong madaling panahon.
Ang nasabing grupo aniya ang nag-labas ng proposed agreement na nakatakda pang aprubahan ng NDF at ng pamahalaan.
Pinag-aaralan na ani Padilla ng pamahalaan ang nasabing draft agreement at handa na sana silang pag-usapan ito kasama ang NDF noong January 2015, ngunit naganap naman ang Mamasapano encounter.
Pagdating ng Pebrero ng taong ding iyon, pumunta sa Netherlands ang nasabing pribadong grupo at bumalik ng may dalang mas malaking mga kahilingan mula sa panig ng NDF.
Kabilang sa mga hinihiling nila ay ang pagpapa-laya sa daan-daan nilang mga pinuno at miyembro, at ang pagba-basura sa mga kaso laban sa kanilang mga hinihinalang consultants.
Ani Padilla, istratehiya na ng NDF ang gamitin ang negosasyon para makahingi ng maraming pabor mula sa gobyerno, pagkatapos ay wala naman silang gagawin kapalit ng mga ito.
Sa kabila nito, dalawang beses pang muling sinubukan ng pamahalaan na isulong ang peace talks, ngunit sa una, sinabi ng NDF na kailangan pa nila ng oras para kumonsulta sa Royal Norwegian Government (RNG), habang sa pangalawang pagkakataon naman, ipinahayag nila ang kanilang reservation sa facilitation process ng RNG na maglalabas ng mga panukalang mas makabubuti sa mas nakararami.
Naalala pa ni Padilla na may isang panayam si Jalandoni noong nakaraang taon kung saan nanindigan siyang nakadepende ang negosasyon sa hiling nilang palayain ang kanilang mga kasamahan.
Dahil dito, hinimok ni Padilla ang NDF na tigilan na ang pag-hingi ng mga hindi makatwirang kahilingan pagkatapos ay sisisihin ang pamahalaan kung bakit hindi matuluy-tuloy ang peace talks.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.