Bahagi ng Brgy. Catmon sa Malabon sasailalim sa special concern lockdown simula bukas
Simula bukas, June 17 hanggang sa June 21 ay isasailalim sa special concern lockdown ang Sitio 6 sa Brgy. Catmon sa Malabon.
Ayon sa Malabon City LGU, sumulat si Kapitan Brian Manapat sa Malabon City Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (MCTF-MEID) para hilingin na i-lockdown ang ilang bahagi ng Sitio 6 upang pigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa lugar.
Base sa rekomendasyon ng health, social welfare, security, at economic clusters, pinayuhan ng Task Force si Mayor Lenlen Oreta na isailalim ang ilang bahagi ng Sitio 6 sa special concern lockdown ng limang araw.
Sa ilalim ng special concern lockdown, ipagbabawal ang lahat ng residente sa lugar na lumabas ng kanilang mga bahay.
Dadalhin naman sa mga bahay ang pagkain para sa mga apektadong residente.
Tutulong ang PNP sa mga barangay tanod upang mapanatili ang total home quarantine sa mga apektadong residente.
Noong nakaraang linggo ay nagbigay na ng paunang abiso si Kapitan Manapat sa mga apektadong pamilya upang maghanda na para sa lockdown.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.