12-anyos na bata, nalunod sa Ilog Pasig
Bangkay na nang matagpuan ang batang lalaking tumalon at nalunod sa Ilog Pasig mula sa Jones Bridge sa Maynila.
Kumalat pa sa internet ang video kung saan nakita ang batang lalaki na kinilalang si Jhayron Malayao, 12 anyos, kasama ang kaniyang mga kaibigang nag-udyok sa kaniya na tumalon sa ilog.
Makikita sa video na nagsi-talunan ang ilang mga kabataan sa ilog mula sa tulay, at hinikayat si Jhayron na tumalon rin kasama nila.
Ngunit nang tumalon si Jhayron, hindi na siya muling lumutang at doon na nataranta ang iba pang mga kabataang naroon, at humingi ng tulong sa tanod.
Hindi naman agad na pinansin ang pag-hingi ng saklolo ng mga bata dahil baka nanloloko lang, ngunit nang may makarating na sa kanilang balita ukol dito, agad na silang kumilos kasama ang rescue team na nabigo rin sa paghahanap sa bata.
Wala pang isang araw ang nakalilipas, isang bangkero ang nakapansin ng bangkay ng bata na palutang-lutang sa may container terminal sa Delpan.
Iniahon ang bangkay mula sa tubig, at kinumpirma ng kaniyang mga magulang na iyon nga ang kanilang anak, dahil nakilala nila ang huling suot na damit nito bago umalis ng bahay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.