Lockdown sa H. Monroy Street sa Navotas City, palalawigin hanggang June 20
Palalawigin ang ipinatutupad na lockdown sa H. Monroy Street sa Barangay Navotas West sa Navotas City.
Ayon kay Mayor Toby Tiangco, iiral ang lockdown hanggang 11:59 ng gabi ng June 20.
Batay kasi aniya sa ulat ng City Health Office, 96 ang sumailalim sa rapid COVID-19 test sa nasabing lugar.
Sa nasabing bilang, 49 o 51 porsyento ang lumabas na reactive o positibo.
Dahil dito, kailangan aniyang makuhanan ng swab at sumailalim sa PCR test para makumpirma kung sila ay apektado ng nakakahawang sakit.
“Sa mga nagpositibo sa rapid test, kailangan po ninyong mag-self isolate o humiwalay sa inyong pamilya habang hinihintay ang resulta ng PCR test. Kung walang kwarto na magsisilbing isolation room, makipag-ugnayan sa barangay para ma-admit sa Community Isolation Facility (CIF),” ayon sa alkalde.
Para naman sa may kwarto, maaari aniyang gawing isolation room para makapag-home quarantine at dumistansya sa mga kasama sa bahay.
Paalala pa ni Tiangco, “magsuot ng mask na natatakpan ang ilong at bibig. Ihiwalay ang lahat ng mga gamit, pati na mga labahin. Maghugas parati ng kamay. Takpan ang bibig kapag uubo o babahing. Magdisinfect parati ng mga bagay o kasangkapang parating ginagamit.”
Humingi naman ng kooperasyon ang alkalde sa mga residente sa nasabing lugar.
“Protektahan po natin ang isa’t isa. Nasa atin po ang solusyon sa krisis na ito,” dagdag pa nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.