25 pang Pinoy abroad, nagpositibo sa COVID-19 – DFA
Nasa 25 ang bagong napaulat na nagpositibong Filipino sa COVID-19 sa ibang bansa.
Sa datos ng Department of Foreign Affairs (DFA) hanggang June 15, umakyat na sa 5,566 ang mga kumpirmadong positibo sa COVID-19 na Filipino mula sa 51 na bansa at rehiyon.
Sa nasabing bilang, 2,643 ang patuloy na nagpapagamot sa iba’t ibang ospital.
Umabot naman sa 2,497 na overseas Filipinos ang naka-recover sa nakakahawang sakit o na-discharge na sa ospital.
Samantala, umakyat sa 426 ang bilang ng Pinoy abroad na pumanaw dahil sa COVID-19.
Pinakamarami pa ring naitalang confirmed COVID-19 positive na OF sa bahagi ng Middle East/Africa na may 3,446 na kaso.
Sumunod dito ang Europa na may 881 confirmed COVID-19 positive cases na OF.
Nasa 679 naman ang kaso sa Americas at 560 sa Asia Pacific Region.
Tiniyak ng DFA na sa pamamagitan ng Foreign Service Posts, tutukan ang lagay ng mga Pinoy sa ibang bansa at handang umasiste sa mga Filipino na apektado ng COVID-19 pandemic.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.