Palasyo sa guilty verdict kay Maria Ressa: “Respetuhin ang desisyon ng hukuman”

“Respetuhin ang desisyon ng hukuman”

Ito ang naging pahayag ng Palasyo ng Malakanyang sa naging desisyon ng Manila Regional Trial Court 46 na nagbaba ng hatol na guilty sa kasong cyber libel laban kina Rappler CEO Maria Ressa at dating researcher na si Reynaldo Santos Jr.

Taong 2017 nang kasuhan ng negosyanteng si Wilfredo Keng sina Ressa at Santos dahil sa malisyong artikulo na ipinagamit niya umano ang kanyang mga mamahaling sasakyan kay dating Chief Justice Renato Corona noong 2012.

Ayon kay Presidential spokesman Harry Roque, asahan na gagamitin at sasakyan ng mga kritiko ang kaso ni Ressa para palabasin na masama ang imahe ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Roque, bagamat iginagalang ng Palasyo ang desisyon ng hukuman, hindi pa dito nagtatapos ang paninindigan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kailanman ay hindi aniya naghabla si Pangulong Duterte ng libel sa sinumang mamamahayag sa bansa kahit na binabanatan pa siya.

Inihalimbawa pa ni Roque ang kaso ng isang Davao-based na peryodista na si Alexander Adonis na sinampahan ng libel ng kaaway ng Pangulo na si dating House Speaker Prospero Nograles noong 2001.

Ibinulgar ni Adonis ang insidenteng “burlesque king” incident na kinasangkutan ni Nograles. Napatunayang nagkasala at nakulong si Adonis.

Ayon kay Roque, tinulungan ni Pangulong Duterte si Adonis at nagbigay ng material support para maghain ng kaso sa United Nations Human Rights Committee na ang criminal libel sa Pilipinas ay labag sa malayang pananalita.

Nanalo aniya si Adonis sa naturang kaso.

Patunay ito, ayon kay Roque na kailanman ay hindi sinupil ni Pangulong Duterte ang malayang pamamahayag sa Pilipinas.

Ayon kay Roque, may pagkakaton pa naman sina Ressa na iapela ang kaso.

“We wish her the best,” pahayag ni roque.

Ang kaso ni Ressa ang kauna-unahang conviction ng cyber libel sa bansa mula nang maisabatas ito noong Setyembre 2012.

Anim na buwan hanggang anim na taong pagkakakulong ang naging hatol ng korte kina Ressa at Santos.

Read more...