Ang bagyo ay huling namataan sa layong 140 kilometers West Northwest ng Iba, Zambales o sa layong 165 kilometers West ng Dagupan City, Pangasinan.
Kumikilos ang bagyo sa bilis na 25 kilometers bawat oras sa direksyong west northwest.
Inalis na ng PAGASA ang nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal sa mga naapektuhan nitong lalawigan.
Pero ayon sa PAGASA ang bagyo ay magpapaulan pa rin sa ngayong araw sa Zambales, Bataan, Pangasinan, at northern portion ng Palawan kabilang ang Calamian at Cuyo Islands, at sa Occidental Mindoro.
Mahina hanggang katamtaman at kung minsan ay malakas na pag-ulan na dulot ng habagat naman ang mararanasan sa Metro Manila, Western Visayas, at nalalabi pang bahagi ng Luzon.
Ayon sa PAGASA ang pag-ulan na dulot ng habagat o Southwest Monsoon ay maaring maranasan sa Northern at Central Luzon at sa western section ng Southern Luzon at Visayas.
Inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo mamayang gabi o bukas ng umaga at magtutungo sa southern China.