Sen. Tolentino may hiling sa CHED, DepEd para sa distance learning systems
Nanawagan si Senator Francis Tolentino sa Commission on Higher Education (CHED) at Department of Education (DepEd) na makipag-ugnayan sa mga pribadong organisasyon para mapaganda ang umiiral nang distance learning systems sa bansa.
Ginawa ni Tolentino ang panawagan sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education at nabanggit niya na epektibo ang mga plataporma ng United Nations Educational, Scientific, Cultural Organization (UNESCO) at United Nations Children’s Fund (UNICEF) base sa paggamit ng mga ito sa ilan ng bansa.
“Why don’t we take advantage of the existing platforms tailor-made by these international educational organizations. We must tie up with these big players para hindi na tayo mahirapan sa ating gagawing distance learning,” sabi ng senador.
Binanggit pa ng senador na ang ibang online platforms tulad ng Skype, Zoom at Facebook ay hindi sasapat para sa ‘new normal education’ na ikakasa ng dalawang ahensiya.
“I am bit worried baka sa unang dalawang linggo sumablay po tayo dito, not because of the lack of competencies on the part of the teachers who will perform this but due to the proper software that will be utilized. Ano po bang software ang gagamitin?” dagdag pa ni Tolentino.
Sinabi naman ni Education Secretary Leonor Briones sa pagdinig na nakikipag-usap na sila sa UNICEF at UNESCO.
Inihirit din ni Tolentino na magkaroon ng ‘demonstration’ ang dalawang ahensiya sa komite ng mga ikakasa nilang pamamaraan ng pagbibigay edukasyon sa gitna ng nagpapatuloy na COVID-19 crisis dalawang linggo bago ang inanunsiyong muling pagsisimula ng mga klase sa Agosto 24.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.