Imbis na sa pambato ng Liberal Party (LP) na si Mar Roxas, naghahakot ng mga taga-suporta para sa kalaban niyang si Sen. Grace Poe ang isang kilalang kaibigan ni Pangulong Benigno Aquino III.
Ayon sa dalawang sources ng Inquirer na tumangging magpakilala dahil sa pagiging sensitibo ng usapin, nangangalap na ng suporta para kay Poe ang kilalang kabarilan ni Pangulong Aquino na si dating Interior Undersecretary Rico E. Puno.
Sinabi ng isa sa mga sources na isang opisyal ng pulis, na nililigawan na umano ni Puno ang mga kasamahan niyang Mason sa Western Visayas na kilalang balwarte ng LP, para suportahan si Poe.
Aniya, isang Myro Lopez na tinukoy niyang personal aide ni Puno ang tumatawag sa mga miyembro ng Free and Accepted Masons of the Philippines sa Western Visayas at Northern Mindanao para humingi ng tulong sa pag-oorganisa ng rallies para kay Poe.
Bilang isa ring maimpluwensyang Mason, nakatanggap rin ang nasabing source ng tawag mula kay Lopez para iparating sa kaniya ang kailangan ni Puno.
Humahanap umano si Lopez ng pagdarausan ng political rallies at press conferences para kay Poe at ng mga local leaders na maaring mag-organisa nito sa mga probinsya sa Panay.
Hindi naman aniya direktang humihingi ng pera si Lopez, pero tila lumalabas na kung sinuman ang nais tumulong ay siya rin malamang ang gagastos para sa mga events na gagawin.
Ayon naman sa pangalawang source, tinatapik na rin umano ni Puno ang kaniyang mga koneksyon sa Masons para makapangalap ng suporta para kay Poe sa mga probinsyang wala siyang political organization.
Aniya, alam kasi ni Puno na kapag ang isang Mason ay humingi ng tulong sa mga kapwa niya Mason, hindi nila ito matatanggihan.
Gayunman, alam ni Puno na medyo imposibleng manalo si Poe sa Western Visayas dahil balwarte ito ng LP.
Nagulat aniya siya nang tawagan siya ni Lopez dahil ang akala niya, si Vice President Jejomar Binay ang susuportahan ni Puno tulad noong 2010.
Samantala, wala namang kaalam-alam ang kampo ni Poe sa mga ginagawa ni Puno para makuha ang suporta ng mga Mason.
Ayon kay Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian, tagapagsalita ni Poe, siya mismo ay walang alam sa mga ginagawa ni Poe, pero batid naman aniya na ang kampanya ng senadora ay naka-angkla sa prinsipyo ng pagsasama-sama at pagkakaisa.