Iba’t-ibang partido, inaabangan ang magiging hatol ng SC DQ case kay Poe
Walang makakapagsabi kung ano ang magiging desisyon ng Korte Suprema sa kaso ni Sen. Grace Poe.
Ito ang pahayag ni Sen. Francis Escudero sa pagharap nito sa mga mamamahayag ng Inquirer.
Ginamit na halimbawa ni Escudero ang naging hatol ng Supreme Court sa kaso ng Disbursement Acceleration Program o DAP na proyekto mismo ng Malacañang noong July 2014.
Aniya, umani ng unanimous vote ang pagbasura sa DAP sa kabila ng katotohanang may apat na appointee ang Pangulong Aquino sa SC.
Sa naturang desisyon, ipinakita aniya ng Kataas-taasang Hukuman ang pagiging independent nito.
Aminado si Escudero na nakakaramdam na sila ng bahagyang ‘kaba’ dahil malapit nang maglabas ng desisyon ang korte sa kaso ng kanyang ka-tandem sa May elections.
Gayunman, kung sila kinakabahan, tiyak din aniyang maging ang ibang partido ay nakakaramdam din ng kahalintulad na pakiramdam at hinihintay ang magiging kahihinatnan ng petisyon ni Poe sa Korte Suprema.
Ngunit para sa kaniya aniya, malinaw na natural born Filipino citizen si Poe at nakumpleto na nito ang 10-year residency requirement upang makatakbo bilang Pangulo sa nalalapit na eleksyon.
Matatandaang unang nagdesisyon ang Comelec na idis-qualify si Poe sa May 9 elections dahil hindi umano ito natural born Filipino at bigong makuha ang 10-year residency requirement na itinatakda ng batas para sa isang indibidwal na nais tumakbo bilang presidente ng Pilipinas.
Dahil dito, iniakyat ni Sen. Poe ang kanyang sitwasyon sa Korte Suprema noong December.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.