Ayon sa advisory ng Pagasa alas 12:00 ng tanghali ng Lunes, partikular na sakop ng Orange rainfall warning ang Metro Manila, Bataan at Zambales dahil sa habagat na pinalalakas ng bagyong Egay.
Sa ilalim ng Orange rainfall warning, binalaan ng Pagasa ang mga residente sa Metro Manila, Bataan at Zambales dahil sa pagbaha na maaring maidulot ng malakas na buhos ng ulan.
Nakasaad sa abiso ng Pagasa na umabot na sa 15 hanggang 30 mm ang naibuhos na ulan sa nasabing mga lalawigan sa nakalipas na isang oras at maari pa itong tumagal sa susunod na dalawang oras.
Samantala, sa parehong abiso, nakataas ang Yellow rainfall warning sa mga lalawigan ng Cavite, Rizal, Bulacan at Laguna. Nangangahulugan naman ito na umabot na sa 7.5 hanggang 15 mm ang naitalang buhos ng ulan sa nasabing mga lugar sa nakalipas na isang oras.
Mahina hanggang katamtamang pag-ulan naman ang nararanasan sa Pampanga, Batangas, Tarlac, Quezon, at Nueva Ecija na maaring tumagal sa susunod na tatlong oras./ Dona Dominguez-Cargullo