Pinatitiyak ni Senator Christopher Go sa Philippine Sports Commission na patuloy na protektahan ang kapakanan ng mga pambansang atleta partikular na ang kanilang pangangatawan at pag-iisip sa gitna ng nararanasang pandemiya.
“Ang ating mga atleta ay nagdadala ng karangalan sa ating bansa sa pamamagitan ng kanilang husay at talento. Ngayon, ipakita natin ang taos pusong suporta sa kanila, hindi lang sa mga laro, kundi sa oras ng pangangailangan,” ayon sa senador.
Batid ng namumuno sa Senate Committee on Sports ang hirap na dinaranas ng mga atleta dahil hindi nila magawang magsanay bukod pa sa kawalan ng kompetisyon kayat apektado rin ang kanilang kabuhayan.
“Karamihan po ng atleta natin ngayon hindi makapag-training at hirap rin po sa buhay. Dahil walang kompetisyon, apektado rin po ang kanilang kabuhayan at pati rin ang allowance na kanilang natatanggap,” aniya.
Kamakailan naman ay namahagi ng allowance ang PSC sa 1,000 national athletes at coaches sa kabila ng ‘No Training, No Allowance’ policy.
Ang mga stranded atheltes naman ay binigyan ng pansamantalang matutuluyan at pagkain bukod pa sa regular na pag-monitor sa kanilang kondisyon at kalusugan sa pamamagitan ng online medical consultations and psychological sessions.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.