Dalawang shipping firms sa Cebu ang nagbaba ng kanilang rates dahil sa pagbaba ng presyo ng langis.
Ayon kay Maritime Industry Authority (Marina) Central Visayas chief Jose Cabatingan, naghain na ng notice ang Lite Shipping Corp. na babawasan nila ng 10 percent ang kanilang cargo rates.
Epektibo na aniya agad ang bagong rates pagkatapos isumite ang notice sa Marina office.
Ang Metro Ferry naman na may walong vessels na bumibiyahe ng rutang Lapu-Lapu City patungong Cebu City at pabalik, ay nagbawas ng P1 sa kanilang P14 na pamasahe.
Tanging cargo rates lamang ang binawasan ng Lite Shipping, na may 19 vessels na bumi-biyahe sa 10 iba’t ibang ruta sa Visayas at Mindanao, dahil nakapag-bawas na daw sila ng presyo ng pamasahe para sa mga pasahero.
Ito ay kasunod ng advisory ng Marina noong January 22 kung saan hinimok nila ang mga domestic shipping companies na babaan ang presyong sinisingil sa mga pasahero at para sa mga cargo dahil na rin sa pag-baba ng presyo ng langis.
Nitong February 16 lamang, nag-kaltas ng P1.40 kada litro sa gasolina, 70 centavos para sa kada litro ng diesel at 90 centavos sa kada litro ng kerosene ang mga kumpanya ng langis.
Gayunman, tanging Lite Shipping at Metro Ferry pa lamang ang nagbababa ng presyo, dahil ang ibang kumpanya ay hinihintay pa ang desisyon ng kanilang pamunuan, pati na rin ang pasya ng iba pang kumpanya.