WATCH: Manicure, pedicure hindi pa pwede sa kasagsagan ng GCQ
Hindi pa pinapayagan ng Inter-Agency Task Force on Infectious Diseases ang manicure at pedicure sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ).
Ito ay sa kabila ng hirit ng mga may-ari ng salon na hindi lang sana limitahan sa paggugupit ng buhok ang ibigay na serbisyo sa mga customer.
Ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez, iniiwasan kasi ng pamahalaan na hayaang magtagal sa loob ng isang establisimyento ang mga customer para makaiwas na rin sa sakit na COVID-19.
Pakiusap ni Lopez, konting tiis muna para makamit ang layunin ng pamahalaan na maibaba ang kaso ng COVID-19 sa bansa
Sa panig ni Presidential spokesman Harry Roque na bawal pa rin ang sabong at horse racing o karera ng mga kabayo.
Ito ay base na rin aniya sa naging desisyon ng IATF.
“Nung pagpupulong kahapon, hindi pa rin po pinayagan ang horse racing, ang sabong, ang pinagbabawal pa rin po,” pahayag ni Roque.
Bawal pa rin sa mga lugar na nasa GCQ ang kids amusement industries, libraries, museums, cultural centers, tourist destinations, gaya ng beach at resort, travel agencies, pet grooming services, internet at computer shops at iba pa habang pinapayagan naman ang 50 porsyento ng operasyon ng mga ito sa mga lugar na nasa modified enhanced community quarantine.
Simula noong June 1, isinailalim sa GCQ ang Metro Manila, Central Luzon, Cagayan Valley, Calabarzon, Central Visayas, Pangasinan, Zamboanga City, at Davao City habang ang natitirang bahagi ng bansa ay isinailalim sa Modified General Community Quarantine (MGCQ).
Narito ang ulat ni Chona Yu:
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.