Konsehal sa bayan ng Taft, Eastern Samar at kaniyang magulang tinakasan ang convoy na maghahatid sa kanila sa quarantine facility

Tumangging magpasailalim sa quarantine sa pasilidad ng lokal na pamahalaan ang isang konsehal sa bayan ng Taft sa Eastern Samar kasama ang kaniyang magulang.

Ayon kay Eastern Samar Gov. Ben Evardone, dumating sa Taft galing Metro Manila sina Municipal Coun. Marvin Lim at kaniyang magulang na sina Engr. Diego Lim at Elsa Lim noong Lunes.

Bilang bahagi ng isinasaad ng executive order ni Evardone at joint memorandum ng DILG at DOH gayundin ng IATF guidelines, dapat ay sumailalim sila sa quarantine pagdating sa lalawigan.

Pero ani Evardone batay sa salaysay ni Taft Police chief, Lt. Robin Caspe, tumakas ang kotseng sinasakyan ng mag-anak habang sila ay ine-escortan papunta sa quarantine facility sa Brgy. Mantang Elementary School.

Kwento ni Caspe, biglang pumasok ang kotse ng mag-anak na Lim sa beach resort na kanilang pag-aari at agad isinara ang pasilidad.

Kinwestyon din ni Evardone ang pagpayag umano ng Municipal Health officer na mag-home quarantine ang mag-anak.

Ani Evardone, kung ang mga OFWs, at locally stranded individuals na dumarating sa lalawigan ay sumusunod sa health protocols, dapat ding sumunod dito ang pamilya ng konsehal.

Tiniyak ng gobernador na pananagutin ang pamilya Lim gayundin ang Municipal Health officer sa bayan ng Taft.

Read more...