Maraming sumakay sa isyu dahil epektibong pag-iingay ng mga aktibista, progresibo at kontra na ipinakita nila sa isang matahimik at “DOH-compliant” na kilos protesta sa loob ng UP compound. Pati mga artista at beauty queens ay nanawagan ding ibasura ang naturang batas.
Takot ang marami sa posibilidad na sila ay mapagbintangang terorista ng mga tingin nila’y “abusado” at “salbaheng” mga pulis. Labing-apat na araw na “warrantless arrest” at dagdag na sampu o kabuuang 24 days na kulong.
Iginiit naman ng mga senador na merong sapat na “safeguards” laban sa mga mag-aabusong pulis at militar. Pero, kailangan daw ang batas na ito upang mapuksa ang banta ng ISIS, tulad ng nangyari sa Marawi City at sa iba pang pangggugulo sa bansa.
Ayon pa sa mga nagtatanggol dito, ang panukalang 24 days warrantless arrest dito ang lumulitaw na pinakamabait nga sa buong asya. Sa Thailand-30 days, Malaysia-60 days hanggang 2 years, Indonesia-hanggang 120 days, at Singapore-720 days at “indefinite” o walang katapusan. Ibig sabihin, pwede kang ikulong ng walang “formal charges”.
At siyempre ang susunod na tanong: Pareho bang abusado o salbahe ang mga pulis at sundalo doon sa Thailand, Malaysia, Singapore, at Indonesia?
Kung susuriin, matindi talaga ang mga parusa sa buong Southeast Asia at kinakantyawan na nga tayo dahil ditto nagtatago sa Pilipinas ang mga ISIS terrorists. At hindi rin pwedeng kalimutan ang internal problems nila tulad ng mga “secessionist movements” sa Northern Thailand, Malaysia, Indonesia at ang sarili nating rebelyon sa Mindanao.
At dito, kailangan ng mga gobyerno sa ASEAN ang malakas na depensa upang mapanatili ang “peace and order” ng kanilang mga mamamayan, lipunan, ekonomya, araw-araw na pamumuhay.
Sa ganang akin, parehong tama ang mga kumokontra at nagtatanggol sa anti-terror bill. Kailangang matiyak na walang mang-aabuso ng kapangyarihan. At dito, sandigan ang parehas at walang kinikilingang “justice system” ng ating bansa. Totoong madaling magbintang na may piring ang “hustisya.” Pero, kung hindi naman tayo magtitiwala sa “hustisya” at mga institusyon ng gobyerno, ngayon at sa hinaharap, ibig sabihin lang niyan, wala na rin tayong tiwala sa demokrasya.
Maliwanag pa sa sikat ng araw na binuksang unti-unti ng gobyerno ang ating ekonomya, hindi dahil sa nabawasan na o pababa na ang mga kaso ng COVID-19.
Pinayagan na tayo ng Duterte administration na bumalik sa dating pamumuhay dahil lugmok na ang ating ekonomya, milyun-milyon ang nawalan ng kabuhayan at trabaho hindi lang sa bansa kundi maging sa abroad, kahit pa itinodo ang tulong pinasyal at mga ayuda.
Mula sa dating number 43 sa World Coronavirus ranking, tayo ay nasa number 39 na merong 21,340 “confirmed cases”. At ang araw-araw na “fresh cases” ay pumapalo ng lampas 700 na at higit tatlong daan dito sa Metro Manila.
Ibig sabihin, talagang nagkalat pa ang “COVID-19” dito sa Metro Manila.
Karamihan ng mga opisina nagsagawa ng rapid test ay nakakadiskubre ng “positive cases” tulad sa BIR na nagsara ng “head office” dahil sa nakumpirmang higit 20 opisyal at empleado.
Kaya naman, ibayong ingat ang kailangan natin dahil nagkalat pa ang virus sa tabi-tabi.