Pang. Duterte nagalit nang malaman na hindi pa nabibigay ang ayuda sa mga naapektuhang health worker ng COVID-19
Galit na galit at mainit ang ulo ni Pangulong Rodrigo Duterte nang malaman na hindi pa ibinibigay ng pamahalaan ang pinansyal na ayuda sa mga namatay at nagkasakit na health workers dahil sa COVID-19.
Sa ilalim ng Bayanihan To Heal As One Act, bibigyan ng P1 milyon ang pamilya na naulila ng mga health workers dahil sa COVID-19.
Aabot naman sa P100,000 ang pinansyal na ayuda sa mga health workers na tinamaan ng COVID-19 at nakarekober.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, nakarating na sa kaalaman ng Pangulo na hindi pa nakatatanggap ng ayuda ang mga health workers na tinamaan ng COVID-19.
“Hindi ko na po alam kung bakit pero galit po ang Presidente. Galit, frustrated, at ngayon ko lang nakita na talagang medyo uminit ang ulo ng Presidente na nalaman niya na matapos ang tatlong buwan ng Bayanihan To Heal As One Act ay hindi pa rin nabibigay ang P100,000 para sa mga nagkasakit na frontliners
at P1 million para sa mga namatay,” pahayag ni Roque.
Babala ng Palasyo, sumunod sa utos ng Pangulo na ibigay na kaagad ang ayuda.
“Mainit na mainit po ang ulo ng Presidente so binabalaan ko po ang mga otoridad, sumunod po tayo dahil ngayon ko lang po nakita ganyan kainit ang ulo ng Presidente,” pahayag ni Roque.
Ayon kay Roque, hanggang Martes ng susunod na linggo ang ibinigay na deadline ni Pangulong Duterte para maipamigay ang ayuda.
“Hanggang Martes lang po ang binigay ng Presidente para sa lahat ng kinauukulan na ibigay ang mga compensation benefits sa mga health workers na nagkasakit ng COVID-19 in the line of duty sa mga pamilyang naiwan ng mga namatay na health workers simula Biyernes. Nagbigay ang Pangulo ng deadline hanggang Martes sa susunod na linggo para maisagawa ito. Ito ay pagkaraang nakarating kay Presidente na hindi pa pala natatanggap ng kahit sino sa ating mga bayaning frontliners ang benepisyong ipinagkaloob sa ilalim ng Republic Act No. 11469 o Bayanihan To Heal As One Act,” pahayag ni Roque.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.