Ilang kongresista nakitaan ng butas ang ibinabatong dual citizenship issue kay Gabby Lopez III
Kinakitaan ng butas ng ilang mga kongresista ang ‘dual citizenship issue’ ni ABS-CBN Corp. Chairman Emeritus Gabby Lopez III sa pagpapatuloy ng pagdinig para sa paggawad ng franchise sa network.
Lumalabas sa isinagawang virtual hearing ng Committees on Legislative Franchises at Good Government and Public Accountability na isang Filipino si Lopez sa ilalim ng jus sanguinis (YUS SANGWINIS) ng Konstitusyon dahil kapwa Pilipino ang mga magulang nito at isa rin itong US citizen sa ilalim ng jus soli (YUS SOWLI) dahil ipinanganak naman ito sa Estados Unidos.
Maliban dito ay binigyang pagkilala din ang pagiging Filipino ni Lopez nang maghain ito ng petisyon noong 2001 sa DOJ at Immigration para makakuha din ng Philippine passport.
Gayunman ay kinwestyon ni Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin kung pinapayagan sa Saligang Batas na isang dual citizen ang magmay-ari at mamahala ng mass media sa Pilipinas.
Ayon kay Deputy Speaker at 1SAGIP Partylist Rep. Rodante Marcoleta, sa ilalim ng Article 16, Section 11 ng Konstitusyon, malinaw na nakasaad dito na ang mass media ownership ay dapat 100% Filipino.
Aniya, mahirap iproseso ang ipinipilit ng kampo ni Lopez dahil wala namang nakasulat sa consitutional provision na pwedeng magmay-ari ng mass media ang isang indibidwal na may dalawang citizenship.
Para naman kay Anakalusugan Partylist Rep. Michael Defensor, ang dual citizenship ni Lopez ay nagbibigay ng pagaalinlangan sa tunay nitong allegiance sa bansa kaya hindi ito nararapat na kumontrol ng isang mass media company.
Sa Lunes, June 8 ay muling ipagpapatuloy ng dalawang komite ang pagdinig tungkol sa panibagong prangkisa ng giant network.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.